Katanungan ng ilang mambabatas sa estado ng ayuda, hindi pa rin nasasagot

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Photo Source: CNN PH

Nananatiling walang kasagutan ang mga tanong ng ilang mambabatas tungkol sa ayudang pinansyal habang inaantay ang ika-8 na lingguhang pag-uulat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara hinggil sa paggamit ng special powers nito sa laban kontra Covid-19.

Kinuwestyon ni Senate Social Justice Committee chair Leila de Lima, ang planong pagbabawas ng mga ipapamahaging ayudang pinansyal sa pangalawang tranche ng SAP na sa ngayon ay tanging mga pamilya lamang sa enhanced community quarantine (ECQ) areas ang mabibigyan. Giniit ni De Lima na ilegal ito sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act na nagsasabing 18 milyong mahihirap na pamilya ang dapat makatanggap ng ayuda mula ₱5,000 hanggang ₱8,000 sa loob ng dalawang buwan. Aniya, “This perfunctory exclusion of those 15.5 million families, who are in the non-ECQ areas starting May 16, is also unfair — nay, inhumane — considering that they would have already spent the first half of the month of May still in lockdown, (Ang hindi pagsama sa natatayang 15.5 milyong pamilyang nakatira sa non-ECQ areas simula Mayo ay hindi makatarungan sapagkat lockdown pa rin ang nararanasan nila sa pagsapit ng Mayo)”. 

Natanong din ni De Lima kung ano ang magiging papel ng local government units (LGUs) sa pangalawang tranche ng ayuda bilang kasama ng mga pangunahing tagapagpatupad ng programa tulad Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nais namang malaman ni Senador Joel Villanueva, kung ano ang magiging tugon ng DSWD sa mga benepisyaryong hindi pa rin nakakatanggap ng ayudang pinansyal. Sa datos ng DSWD, 17.2 milyon mula sa kabuuang 18 milyong pamilya lamang ang nabigyan na ng ayuda. Humihingi rin ng paglilinaw ang senador kung bakit naantala ang pamimigay ng ayuda sa mga drayber ng public utility vehicles at transportation network vehicle services.

Bukod sa ayuda, inaasahang namang bibigyang detalye ni Pangulong Rodrigo Duterte kung paano ginastos ang nilaang pondo para sa pagresponde kontra Covid-19. Noong Marso, ninigyan ng Kongreso si Duterte ng karagdagang kapangyarihan upang mas mapabilis ang paglutas sa Covid-19 crisis. Kaakibat nito ang lingguhang pag-uulat sa Kamara tungkol sa mga isinagawang hakbang sa pandemiya.

Base sa huling datos, aabot na sa 12,513 ang nagpositibo sa coronavirus sa bansa. 824 na ang mga nasawi habang 2,635 naman ang gumaling.

LATEST

LATEST

TRENDING