MAYNILA—Dalawang linggo na lang bago matapos ang lockdown sa Mayo 31, ngunit hanggang ngayon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay patuloy pa ring tumanggap ng liquidation report galing sa mga local government units (LGUs) kung paano nila ginamit ang pera sa Social Amelioration Program (SAP).
Dahil sa maraming teknikal na problema at pagkaantala sa unang bugso ng pagbibigay ng ayuda, kinailangan ng ahensya na maghanap ng makabagong paraan upang mapadali ang sunod na pamimigay nito sa mga mamamayan.
Ito ang sinabi ni Director Irene Dumlao, tagapagsalita ng DSWD sa isang radio-TV interview sa DZBB nuong Miyerkules. Sabi niya na ang mensahe na mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) ay 95 porsyento na sa mga LGUs ang nakapagtapos. “Marami namang LGUs na nakatapos na ngunit kailangan naming makaabot ng 100 percent upang ma-release ang second tranche ng SAP,” sabi pa ni Dumlao. Ayon sa panuntunan ng SAP, may 15 na araw ang DSWD sa pag-aral ng kanilang ulat.
Pinaliwanag niya na hindi pa nila natanggap ang direktiba galing sa Palasyo ukol sa paraan sa pagpamahagi ng second tranche. “Hinihintay pa namin ang directive galing sa Malacanang tungkol sa nito ngunit pinaghahandaan na namin ito,” sabi niya.
Sa online press briefing ni Secretary Harry Roque, tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force (IATF) nuong Martes, sinabi niya na yong lang mga benepisaryo na nasa bagong enhanced community quarantine (ECQ) ay makatanggap ng pangalawang ayuda galing sa SAP.
Kamakailan lang, inaprubahan ni Presidente Rody Duterte at IATF ang dagdag na limang milyon na bagong benepisaryo ng SAP na hindi nakatanggap sa unang bugso nito. Minungkahi din ng pangulo sa kanyang pagharap sa mamamayan nuong Martes ng umaga na baka kailangan niya ang tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa sunod na pagbibigay ng pera.
Sabi ni Director Dumlao na sang-ayon sila sa munkahi ng presidente, kaya ang DSWD at AFP ay nag-umpisa nang magpulong upang makagawa ng panuntunan nito. “In fact we are contemplating on using the new technology to speed up the distribution tulad ng online wallet para mas madali ang pagbigay ng pera,” sabi ni Dumlao.
Nanalangin siya na sa tulong ng AFP at bagong teknolohiya, maibsan o kaya’y mawala na ang mga gusot nuong first tranche.