MANILA—Inanunsyo ng galit na Presidente Rodrigo R. Duterte (PRRD) sa pagsimula ng magtitipon ng Inter-Agency Task Force (AITF) on Managing Emerging Infectious Disease, sa Malacañang Palace, nuong Huwebes ng gabi, na magdedeklara siya ng martial law laban sa New People’s Army (NPA) at mga ligal na kasamahan nito.
“Kaya ngayon, kapag magpapatuloy kayo sa lawlessness, patay dito, patay duon, and this is happening all over the Philippines, then maybe I will declare martial law because kayong mga NPA ang numero uno. Kinukuha ninyo ang tulong sa tao, pati ‘yong pagkain at supply nila”, sabi ng pangulo.
Ang binanggit ng presidente ay ‘yong pag-atake ng armadong komunistang rebelde sa Aurora Province nuong Miyerkules, kung saan dalawang kawal ang napaslang at pagkasugat ng tatlo pa nang sila’y gumawa ng “security patrol” sa lugar sa paghatid ng tulong na galing sa Social Amelioration Program ng Department of Social Welfare and Development dahil sa sakit na Covid-19.
Ang mga nasawi ay sina Pfc. Ken Lester I. Sasapan at Pfc. Jackson M. Mallari ng Scout Platoon ng 91st Infantry Battalion, 7th Infantry Division, Philippine Army.
Nuong Abril 23, gumawa din ng sariling pahayag si presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio tungkol naman sa pag-atake ng NPA sa mga sundalo sa Paquibato District ng Davao City.
Sinabi ng pahayag niya na, “The NPA has once again shamelessly exposed itself as the devil incarnate when it attacked soldiers in Sitio Kapihan, Barangay Malabog, Paquibato District on Wednesday, April 22.” Dalawang kawal na kasapi sa 16th Infantry Battalion ang nasugatan sa naturang pag-atake.
Patuloy ni PRRD na sasabihan niya ang armed forces at kapulisan na maaring magdeklara siya ng martial law at wala nang “turning back.” “Kung ano ang klase na martial law ay sa akin na ‘yan. Sabihin ko sa kanila na kung papatayin kayo, papatayin din sila. Tatapusin ko ito sa panahon ko. I still have two more years. I will try to finish all of you,” sabi ng pangulo.
Binantaan din ng pangulo ang mga ligal na nagsuporta sa NPA. “Pati kayong mga legal, magtago na kayo,” sabi niya. Ayon sa pangulo lumaki ang NPA dahil sa kanilang suporta at sa “extortion activities” nito sa malalaking negosyo sa bansa. “The government is very jealous because there is only one entity which can collect taxes, and that is the government. The money (collected) should be put to good use,” sa pagtatapos ng pangulo.