Tulfo at Aguirre, nagbangayan sa Senado sa pagdinig ng ‘pastillas scheme’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Nagbatuhan ng insulto sina dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II at kolumnistang si Mon Tulfo sa ginanap na Senate investigation noong Setyembre 22 hinggil sa alegasyon ng kurapsyon sa Bureau of Immigration.

Noong Marso, ipinahayag ni Tulfo sa mga senador na si Aguirre ang “protector” ng isang Chinese-linked syndicate sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Not an iota of evidence was presented linking me to the ‘pastillas scheme (Walang ni isang ebidensiya ang nag-uugnay sa akin sa ‘pastillas scheme’,” ani Aguirre sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality tungkol sa “pastillas” scheme.

Dagdag pa nito, “He made them (Bureau of Immigration) appear as lame ducks because of me… even if I have been out of government office in the past 2 years.”

Nagbitiw si Aguirre bilang Justice Secretary noong Abril 2018, habang nasa kalagitnaan ng “pastillas” scheme, kung saan binabalot ang perang pangsuhol sa kaparehong papel na ibinabalot sa pastillas.

Ang nasabing suhol ay ibinibigay aniya sa mga immigration officers kapalit ang pagpapapasok ng mga iligal na manggagawang Chinese sa bansa.

Habang ipinakita ni Tulfo ang mga larawan ng mga kaibigan at appointees ni Aguirre na nakasakay ng helicopter at namimigay aniya ng suhol sa dating property ni Aguirre sa Quezon, pinabulaanan naman ito ng dating kalihim at sinabing hindi ito nagpapatunay na sangkot siya sa sindikato.

Aniya, “Bakit hindi mo pinag-affidavit ‘yung lahat ng nag-supply sa iyo [ng pictures]? Nasan ang isang testigo mo na magpapatotoo na may pera ‘yang dinadala?”

“Anong klaseng ebidensya yan? Ni-Grade 1 student hindi maniniwala diyan… Puwede ba ‘yung completely hearsay?” tugon ng dating kalihim.

Ayon kay Tulfo, nagsisinungaling si Aguirre.

Aniya, “When a man gropes for words, iniisip niya ano sasabihin niya. That is a sign of lying.”

“Akala ko magaling kang abogado? Akala ko number 1 ka sa klase mo sa law bakit hirap na hirap ka magsalita?” birada nito kay Aguirre.

Naging mainit naman kinalaunan ang batuhan ng dalawa nang akusahan ni Tulfo si Aguirre ng pagiging “bobo” kaya ito natanggal umano sa Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Madame chair, sinungaling ‘yan (Aguirre). That’s it. Kaya nga siguro inalis ni Pangulong Digong ‘yan dahil bobo ‘yan,” giit ni Tulfo.

Tinanggihan naman ni Aguirre na pinagbitiw siya ni Duterte, subalit hindi sinabi ang tunay na rason ng kanyang resignasyon.

LATEST

LATEST

TRENDING