
MANILA — Walang paraan para bumaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo gaya ng ipinangako ni Pangulong Marcos, ayon kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
“I feel bad for President Marcos. The rising prices will continue. There is no turning back,” sinabi ni Duterte noong Linggo sa isang panayam sa kanyang kaibigan na si Apollo Quiboloy, isang religious leader na wanted sa US para sa sex trafficking ng mga bata, na pinost ng mga vlogger.
Panay ang pagtaas ng presyo ng bigas simula noong nakaraang taon. Ang premium rice ay P67 kada kilo habang ang local well-milled rice ay nasa P57 at local regular rice ay nasa P53 kada kilo.
Bagama’t imposibleng ibaba ang presyo sa P20, sinabi ni Duterte na makokontrol ang pagtaas ng presyo ng bigas kung hihilingin ni Marcos sa Kongreso ang emergency powers.
“Not martial law. Just emergency powers,” wika ni Duterte.
Samantala, itinaas ng US Department of Agriculture (USDA) ang forecast ng pag-import nito para sa Pilipinas ng 200,000 metric tons mula sa pagtatantya nitong 3.9 million MT noong Pebrero dahil sa inaasahang ani ng “mas maliit na pananim”.
Ang output ng bigas ng bansa sa market year 2023-2024 ay inaasahang aabot sa humigit-kumulang 12.3 milyong MT, bumaba ng dalawang porsyento mula sa projection noong nakaraang buwan at tatlong porsyento mula noong nakaraang taon, sinabi ng USDA.





