MANILA — Umabot na sa higit P357.4 million ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa iba’t ibang rehiyon sa bansa dulot ng El Niño phenomenon.
Ito naman ang nabatid mula kay Agriculture Assistant Secretary at Spokesperson Arnel De Mesa kung saan pinakamalaking danyos ito na naitala sa Western Visayas partikular sa Iloilo na aabot sa P127 milyon na sinundan ng Oriental Mindoro na may P56 milyon.
Tinatayang nasa 6,600 ektarya ng mga pananim ang nasira. Nasa 1,100 ektarya dito ay totally damage habang 5,400 ektarya ang partially damage at may tiyansa pang makarekober.
Sinabi pa ni De Mesa na maliit na porsiyento lang ng pananim na palay ang naapektuhan ng tagtuyot.
Kung ikukumpara aniya ang epekto ng strong El Niño ngayong taon sa mga nagdaang tagtuyot partikular noong 1997, hindi naman ito lubhang malala.
Bagama’t papatindi pa ang tagtuyot, pinaghahandaan na rin ng DA ang pagpasok ng La Niña sa 2nd quarter ng taon.