
MANILA – Nangako noong Linggo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palalakasin ang kampanya ng gobyerno laban sa mga teroristang grupo.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos mamatay ang anim na sundalo sa pakikipagsagupaan sa grupong Dawlah Islamiyah-Maute Group (DI-MG) na may kaugnayan sa Islamic State sa isang liblib na nayon sa Munai, Lanao del Norte noong Pebrero 18.
“Hindi natin makakalimutan ang kanilang kadakilaan at kabayanihan. Ipagpapatuloy natin ang kanilang ipinaglaban, at uusigin natin ang mga kalaban ng kapayapaan,” sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang vlog na na-upload sa YouTube.
“Ipinapangako natin sa kanilang mga mahal sa buhay, at sa sambayanang Pilipino, na ating ipadarama sa kanilang mga na-ulila, ang pagmamahal at pagkikilala ng pamahalaan sa kanilang nagawang sakripisyo,” dagdag niya.
Anim na miyembro ng 44th Infantry Battalion ng Philippine Army ang napatay at apat na iba pa ang nasugatan sa pakikipagbarilan sa DI group sa Barangay Ramain.
Ang 7th Scout Ranger Company sa ilalim ng 3rd Scout Ranger Battalion ay tumulong sa pakikipaglaban sa DI-MG extremists.
Ang grupong DI-MG ay kumikilos sa mga komunidad sa hangganan ng Lanao del Norte at Lanao del Sur.





