
MANILA – Muling tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Martes na hindi makikipagtulungan ang gobyerno ng Pilipinas sa anumang pagsisiyasat sa human rights violation ng International Criminal Court (ICC) sa bansa.
Inilabas ni Marcos ang pahayag bilang tugon sa resulta ng survey na isinagawa ng OCTA Research na nagpapakitang 55 porsiyento ng mga Pilipino ang pabor na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC sa umano’y mga pang-aabusong ginawa sa drug war ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
“It opens Pandora’s box because it’s still those questions of jurisdiction and sovereignty that I haven’t yet seen a sufficient answer for. Until then, I do not recognize their jurisdiction in the Philippines,” sinabi ni Marcos sa sideline ng ika-16 na Ani ng Dangal sa Metropolitan Theater sa Maynila.
“That seems to be the only logical conclusion that you can come to in that situation,” dagdag niya.
Ang Pilipinas ay umatras sa Rome Statute noong Marso 2019, sa utos ni Duterte, dahil sa nakikitang pagpasok ng ICC sa panloob na mga gawain ng bansa.
“It’s not about the evidence; it’s about the jurisdiction of the ICC in the Philippines. They can produce as much evidence as they want, but they cannot act upon it in the Philippines. That’s the point,” sinabi ni Marcos, na idinagdag na ang Pilipinas ay mananatiling “open country” sa mga kinatawan ng ICC hangga’t ginagawa nila ito “bilang mga ordinaryong tao” at hindi bilang mga imbestigador.
Nauna nang ipinag-utos ni Marcos sa mga pambansang ahensya at sa kanilang mga pinuno na huwag i-entertain ang anumang pagtatanong mula sa ICC.





