
MANILA — Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na napatay sa military operations nitong Enero ang ‘utak’ sa pagpapasabog sa Mindanao State University(MSU) sa Marawi City noong Disyembre, 2023.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, ito ay base sa testimonya ng isang high-value member ng Dawlah Islamiyah-Maute Group na si alyas Khatab na sumuko nitong Linggo sa 2nd Mechanized Brigade ng Philippine Army.
Sinabi ni Trinidad na si Khadafi Mimbesa, alyas “Engineer,” na lider ng DI-Maute ay kasama sa mga nasawi sa operasyon ng 103rd Brigade ng Philippine Army noong Enero 25-26 sa Lanao del Sur.
Narekober din ng militar ang nasa siyam na matataas na kalibre ng baril, isang bandolier, apat na Baofeng radios at smartphone.
Pinuri naman ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr. ang mga tropa ng 103rd Brigade sa pamumuno ni BGen. Yegor Rey Barroquillo Jr. sa matagumpay na operasyon laban sa mga responsable sa MSU bombing, kasabay ng panawagan sa mga nalalabing miyembro ng grupo na sumuko na.





