
MANILA — Inutusan ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang lahat ng gobernador, city at municipal mayors, kabilang ang mga nasa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, na unahin ang Philippine Identification (Phil ID) o ang national ID at ang electronic format nito (e-Phil ID) sa listahan ng mga tinatanggap na dokumento ng pagkakakilanlan.
Naglabas si Abalos ng Memorandum Circular-2024-014 na nag-uutos sa lahat ng local government units (LGUs) na suportahan ang Philippine Identification System (PhilSys) ayon sa mandato ng Republic Act 11055.
“Republic Act 11055, otherwise known as the Philippine Identification System Act, mandates the establishment of a single national identification system to register all Filipinos and resident aliens in the Philippines,” wika niya.
Idinagdag niya na ang Philippine Statistics Authority (PSA) at iba pang kasosyong ahensya ng gobyerno ay ginagawa ang lahat ng pagsisikap upang matiyak na ang Phil ID at e-Phil ID ay ginagamit at isinasaalang-alang sa listahan ng mga valid identification requirements.
“All provincial governors, city and municipal mayors are hereby enjoined to support the implementation of the PhilSys and require the Phil ID and e-Phil ID to be placed on top of the list of accepted of identification documents for various government transactions, including availing government programs,” sabi ni Abalos sa kanyang memorandum.
Sinabi ni PSA chief Dennis Mapa na nasa 81 milyong Pilipino na ang nakarehistro sa national ID, kung saan 39.7 milyong physical ID ang naihatid sa mga may-ari habang 40.8 milyon o kalahati ng mga nakarehistro ay may digital o e-Phil ID.
Idinagdag ni Mapa na inaasahang makumpleto ng PSA ang pagproseso ng lahat ng pisikal na national ID sa Setyembre.
Ikinalungkot ni Sen. Sherwin Gatchalian na habang pinalawak ang pagkakakilanlan upang tumanggap ng barangay clearance, person with disability at senior citizens ID, hindi pa rin regular ang proseso ng paglilinis ng mga card na ito dahil hindi lahat ng LGU ay naglilinis ng kanilang database.
Sinabi ni Gatchalian na hindi pa tinatanggap ang national ID sa Land Bank of the Philippines kahit ito ay bangko ng gobyerno.





