
MANILA – Naglabas ng pahayag si Vice President Sara Duterte kaugnay sa pagkakasama niya sa mga akusado sa International Criminal Court (ICC).
Ikinagulat aniya ni VP Sara na biglang may tumayong testigo laban sa kanya at iniuugnay ang kanyang pangalan sa umano’y Davao Death Squad.
“Sa mga taon na nagsilbi ako bilang Vice Mayor at Mayor ng Davao City, ni minsan ay hindi napag-usapan o naiugnay ang aking pangalan sa umano’y Davao Death Squad,” saad ng Pangalawang Pangulo sa inilabas na statement sa kanyang Facebook page nitong Enero 23.
“Subalit, matapos akong manalo bilang Vice President, bigla na lang nagkaroon ng testigo laban sa akin at ngayon ay kasama na ako sa mga akusado sa International Criminal Court. Hindi ko kailangan ng death squad para sa mga bagay na kaya kong gawin,” giit pa niya.
Samantala, handa raw siyang harapin ang anumang akusasyon laban sa kanya pero sa korte lamang sa Pilipinas at sa mga Filipino judge siya haharap.
“I will only face any charge against me before a Filipino judge — and only before a Filipino court. Hindi po ako lalahok o magiging parte ng isang prosesong hindi lamang magsasadlak sa kahihiyan sa bansa kundi dudurog din sa dignidad ng ating mga huwes, korte, at buong justice system ng Pilipinas,” wika niya.
“Huwag nating ipahiya ang bansa sa buong mundo sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga dayuhan na manghimasok at makialam sa Pilipinas. Ang kahiligan na magpailalim sa mga dayuhan ay sampal sa mga bayaning Pilipino na nagbuwis ng kanilang buhay at lumaban para lang sa ating kalayaan,” pagpapatuloy pa niya.





