
MANILA — Pinaiimbestigahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Council on Disability Affairs (NCDA) at angkop na komite ng Kamara ang umano’y mga pag-abuso ng mga tiwaling indibidwal sa paggamit ng pribilehiyo ng mga Person With Disabilities (PWDs) na dapat ay ekslusibo lamang sa tunay na may kapansanan.
“Only legitimate PWDs should benefit from the law,” giit ni Romualdez matapos makatanggap ng mga report ang kaniyang tanggapan na marami umanong tiwaling indibidwal na nagpapanggap na PWDs para makakuha ng 20% discount sa mga restaurant, grocery, drug stores at iba pa.
Kasabay nito, hiniling ni Romualdez sa DSWD at NCDA na magbigay ng ulat sa publiko at Kongreso sa pagsunod sa batas na nagbibigay sa mga PWDs ng exemption sa pagbabayad ng Value Added Tax (VAT).
Hinikayat din ni Romualdez ang Kamara na gamitin ang oversight function nito para imbestigahan, upang makagawa ng angkop na batas, ang mga ulat kaugnay sa hindi tamang pagbibigay ng diskwento sa mga PWD gayundin sa mga senior citizens.
Si Romualdez ang pangunahing may-akda ng Republic Act 10754 o Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disability (PWDs) kaya nais nitong linisin ang listahan ng mga PWDs para sa mga karapatdapat lamang ang mabigyan ng benepisyo at tanggalin ang mga peke.
Ang RA 10754 ay nilagdaan noong Marso 23, 2016 ng noon ay Pangulong Benigno Aquino III, kung saan tinatayang 1.5 milyong PWD ang hindi na kailangan magbayad ng 12% VAT sa ilang bilihin at serbisyo.
Ang VAT exemption ay bukod pa sa 20% discount ng PWD sa ilalim ng RA 9442, o An Act Amending RA 7277 o Magna Carta for Disabled Persons and for other Purposes. Saklaw nito ang pagbili ng gamot at partikular na pagkain para sa medical purpose, laboratory fee at professional fee ng mga doktor, pasahe sa air, sea at land transportation at funeral at burial services.





