
MANILA – Sa gitna ng napipintong pagtataas sa premium contribution ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), nanawagan ang isang mambabatas na ipatupad na ang dagdag na benepisyo ng mga miyembro nito.
Ayon kay AGRI party-list Rep. Wilbert Lee dapat itaas ng 30 porsyento ang lahat ng benepisyong ibinibigay ng PhilHealth.
“Nalulungkot at nadidismaya po tayo na mukhang mauuna pang maipatupad ang dagdag na singil sa premium ng PhilHealth doon sa matagal na nating panawagan na 30% increase sa lahat ng benefit packages and coverage ng ahensiya,” sabi ni Lee.
“Habang pinatatagal ang pagpapatupad ng hinihingi nating increase, marami ang pinipiling tiisin na lang ang karamdaman kaysa magpagamot at marami din ang ‘di magkandaugaga sa pag-aalala kung saan kukuha ng pambayad sa ospital,” dagdag pa ng kongresista.
Ayon sa PhilHealth, itataas sa 5% ng suweldo ang kasalukuyang 4% kontribusyon sa PhilHealth. Magbibigay ito sa PhilHealth ng P17 bilyong dagdag na kita.





