
MANILA — Hiniling ni Indonesian President Joko Widodo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang suporta para sa pagbili ng Pilipinas ng anti-submarine aircraft mula sa Indonesia.
Sinabi ito ni Widodo kay Marcos sa ginanap na bilateral meeting sa Palasyo, subalit hindi naman nagbigay pa ng ibang detalye tungkol sa kung anong model at presyo ng military equipment ang nais na ibenta ng Indonesia sa Pilipinas.
Nauna nang nakabili ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng dalawang anti-submarine helicopters mula sa United Kingdom, kabilang na ang AW 159 Wildcat chopper na maaaring maka-detect at makaharang ng anumang submarine na illegal na papasok sa karagatan ng Pilipinas.
Sinabi rin ng AFP na maglalagay sila ng anti-submarine helicopter sa West Philippine Sea (WPS) dahil sa patuloy na tensyon dito sa pagitan ng Pilipinas at China. Plano rin ng AFP na bumili ng apat na anti- submarine choppers sa mga susunod na taon.
Wala pa namang komento si Marcos sa panukala ni Widodo.
Habang hinikayat naman ni Widodo ang Pilipinas na mas paigtingin pa ang partnership sa Indonesia lalo na sa larangan ng seguridad at ekonomiya.





