
MANILA — Nakatakdang imbestigahan sa Miyerkules ng House Committee on Transportation ang ulat na may katiwalian sa pagpapatupad ng public utility vehicle (PUV) modernization sa susunod na linggo.
Ayon kay Antipolo City Rep. Romeo Acop, chairman ng House Committee on Transportation, kinukuha na niya ang pagsang-ayon ng mga miyembro ng komite para isagawa ang motu proprio investigation sa Miyerkules, January 10.
Sinabi ni Acop na tugon ito sa panawagan ni Speaker Martin Romualdez sa komite na alamin kung may katotohanan ang umano’y iregularidad sa programa na ikinasa ng nakaraang administrasyon.
“We cannot allow corruption to take root in the implementation of the modernization program. If we are to proceed with the modernization of our PUVs, we must make sure there is not even a whiff of irregularity,” ani Acop.
Paglilinaw pa nito na kahit na walang resolusyon o privilege speech na nananawagan para sa naturang pagsisiyasat, maaari nilang gawin ang imbestigasyon salig sa Section 2 ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.
Una nang tinukoy ni Romualdez ang ulat na ang mga kasalukuyang transport officials ay nakipagsabwatan sa mga dating opisyal ng ahensya para sa negosasyon ng importasyon ng modern jeepney units para palitan ang mga lumang jeep.





