DOTr: PUV consolidation tapos na!

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Nagtapos na kahapon ang December 31 deadline para sa konsolidasyon ng mga public utility jeepneys (PUJs) matapos manindigan ang Department of Transportation (DOTr) na hindi na nila ito palalawigin pa.

Nilinaw din ni Andy Ortega, chairman ng DOTr Office of Transportation Cooperatives, ang memorandum na inisyu ng Land Transportation Franchi­sing and Regulatory Board (LTFRB) noong nakaraang linggo na nagsasabing ang mga tradisyunal na jeepneys na mabibigong mag-consolidate ng kanilang prangkisa sa itinakdang deadline, ay papayagan pa ring bumiyahe hanggang sa Enero 31, 2024, sa mga ruta kung saan nasa less than 60 percent ng mga units pa lamang ang consolidated.

Ayon kay Ortega, ang naturang bagong memo ay hindi ekstensiyon ng consolidation deadline, na nagtapos na kahapon, Disyembre 31, 2023.

Aniya, sa naturang panahon, bibigyan lamang ang mga PUJs ng due process upang mag-show cause at ipaliwanag kung ano ang nangyari kung bakit hindi sila nakasunod sa deadline.

Matapos ito ay saka aniya maglalabas ng desisyon ang LTFRB.

Iniulat din naman ni Ortega na halos lahat ng jeepneys sa mga pangu­nahing ruta sa Metro Manila, o yaong may 15 hanggang 20-kilometro ang ruta, ay halos consolidated na.

Ang mga hindi pa naman aniya nagko-consolidate ay yaong mga minor routes lamang.

Samantala, nagpahayag naman ng pag-asa ang mga miyembro ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na babawiin at babaliktarin ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. ang nasabing deadline.

Umapela rin sila sa Pangulo na pakinggan ang kanilang kahilingan.

Matatandaang sa ilalim ng Public Uti­lity Vehicle Modernization Program (PUVMP), ang mga jeepney operators ay kinakailangang mag-consolidate ng individual franchises at gawin itong single franchise sa ilalim ng isang kooperatiba o korporasyon hanggang sa Disyembre 31, 2023.

Una nang nagbabala ang DOTr na babawian ng permit to operate ang mga operator na mabibigong tumalima sa deadline.

LATEST

LATEST

TRENDING