
MANILA – Aprubado na sa Senado ang panukalang gawing libre ang entrance exam para kolehiyon sa mga kuwalipikadong estudyante.
Sa botong 22-0-0, inaprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Senate Bill No. (SBN) 2441 o panukalang “Free College Entrance Examinations Act” na magpapalibre ng entrance examination fee sa private high educational institutions (HEIs) para sa mga graduating student na nakitaan na potensiyal para academic excellence.
“This free exam can be a recruiting tool aimed at the best and the brightest,” pahayag ni Senador Francis “Chiz” Escudero, chairperson ng Committee on Higher, Technical and Vocational
Education at sponsor ng SBN 2441.
“The fee that we’re waiving is minimal, and this bill is supported by the association of private schools as well,” dagdag niya.
Ang SBN 2441 ay pinagsamang panukalang inihain nina Sens. Ramon Bong Revilla Jr., Mark Villar, Manuel “Lito” Lapid, Christopher Lawrence “Bong” Go, at Raffy Tulfo.
Sa ilalim ng Free College Entrance Examinations Bill, ang mga estudyante ay libre sa pagbabayad ng examination fee at charges kung sila ay natural-born Filipino student; kabilang sa top 10 percent ng graduating class at kabilang sa pamilyang mababa ang income o kita.
Sabi ni Escudero na ang waiver sa entrance exam ay para din sa sinumang pribadong HEIs sa buong bansa.
Ang Commission on Higher Education (CHED) ang bibigyan ng kapangyarihan na tumukoy at magpataw ng sanction laban sa private HEI na hindi susunod sa panukalang batas.
“Some entrance exam fees are equivalent to a minimum day’s wage such that taking the former will mean meals foregone. No family should starve for a day because food money has been traded for an examination fee,” sabi ni Escudero.





