
MANILA — Aminado ang Department of Health (DOH) na umabot na sa apat na kaso ng Mycoplasma pneumoniae infection o “walking pneumonia” simula pa noong nakaraang buwan.
Ibinahagi ito ng Kagawaran ng Kalusugan ngayong Miyerkules, isang araw matapos tiyakin ni Health Secretary Teodoro Herbosa na “wala pang outbreak” ng kinatatakutang sakit sa Pilipinas sa ngayon.
“As of November 25, 2023, there are a total of four confirmed cases of Mycoplasma pneumoniae infection among reported Influenza-like Illness (ILI) cases,” sabi ng DOH sa media kanina.
“These cases have been reported in the previous morbidity weeks 3, 30, 37, and 38, with one case each.”
Ika-30 lang ng Nobyembre lang nang pag-ingatin ni Health Undersecretary Eric Tayag ang publiko sa pagtaas ng kaso ng walking pneumonia — sakit na “95% drug resistant” laban sa mga antibiotics sa mga bansa gaya ng Tsina.
Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention (CDC), karaniwang “mild” lang ang mga sintomas nito, kagaya ng:
- pananakit ng lalamunan
- pagkapagod
- lagnat
- lumalalang pag-ubo na maaaring tumagal nang ilang buwan
- sakit ng ulo
- pagbahing
- baradong ilong
- pagsusuka at pagdudumi
- kahirapan sa paghinga
‘Sa China matatagpuan maliban sa Pilipinas’
Bagama’t sinasabing hindi ito nakamamatay para sa mga nahahawaan ng bacteria, inilinaw naman ng DOH na wala pang ibang bansang nakikitaan ng naturang sakit sa ngayon.
“The DOH can scan but we depend on what the media or the World Health Organization (WHO) will report,” sabi pa ng kagawaran.
“So far, the only country that has recorded incidents of Mycoplasma pneumonia is China.”