
MANILA – Aprubado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara de Representantes ang dalawang panukala na bahagi ng priority agenda ng administrasyong Marcos.
Ang panukalang Blue Economy Act (House Bill 9662) at pag-amiyenda sa Motor Vehicle User’s Charge upang maging Motor Vehicle Road User’s Tax (MVRUT) ay inaprubahan sa pamamagitan ng voice voting sa sesyon ng plenary noong Martes.
Layunin ng HB 9662 na pangalagaan ang coastal at marine ecosystem para tuloy-tuloy itong mapakinabangan. Kasama rin sa panukala ang reorganisasyon ng National Coast Watch System na gagawin ng National Maritime Moni-toring System.
Ang HB 9662 ay bahagi ng prayoridad na maisabatas ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Samantala, layunin ng pag-amiyenda sa MVRUT (HB 9647) na madagdagan ang pondo ng gobyerno na gagamitin sa mga programa upang maiwasan ang mga aksidente at matulungan ang mga biktima ng aksidente sa kalsada.