
MANILA – Hindi imposible na matitikman ng mga Pilipino ang P20 kada kilo ng bigas na isa sa mga ipinangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kahapon sinaksihan at nagsilbing panauhing pandangal si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa pagbubukas ng “Sugbo Merkadong Barato” program ng Cebu kung saan dito sinimulan ang makasaysayang pagbebenta ng de-kalidad na bigas sa halagang P20 kada kilo.
“Tunay po na makasaysayan ang araw na ito para sa bansang Pilipinas. Ngayong araw, napatunayan ng mga Sugbuanon na hindi imposibleng makamit ang pangarap na magkaroon sa merkado ng de-kalidad na bigas sa halagang 20 pesos bawat kilo,” ayon kay Romualdez.
Ang sinimulan umano ng Cebu ay maari at nararapat din umano gayahin ng buong panig ng bansa.
Pinasalamat ni Romualdez ang mga lider ng Cebu partikular si Gov. Gwen Garcia dahil sa mahusay nitong liderato sa pagpapatupad ng mga makabagong solusyon.





