MANILA — Kailangan munang pumayag ng Senado para muling makasali sa International Criminal Court (ICC) ang Pilipinas.
Ito ang sinabi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang posibilidad na muling bumalik sa ICC ang bansa.
Paliwanag pa ni Dela Rosa na dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at nanguna sa drug war ni dating pangulong Rodrigo Duterte, na daraan pa rin ito sa proseso at matapos itong ratipikahan ng Pangulo ay kailangan itong ayunan ng Senado sa pamamagitan ng 2/3 votes.
Ito ay para ang proseso ay back to zero o back to square one at kapag nabigo ang proseso ay maaaring ideklara itong unconstitutional.
Sa tanong naman kung papayag ang Senado na bumalik sa ICC , “I don’t think so,” sagot ng senador.
Giit pa ni Dela Rosa na kailangang respetuhin ang desisyon ng Pangulo na hindi dapat payagan ang ICC na bumalik dito sa bansa.
Matatandaan na ang Pilipinas ay kumalas sa ICC noong 2019 matapos na simulan ang imbestigasyon sa drug war ng Duterte administration.