
MANILA – Nababahala na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa reclamation ng China dahil palapit nang palapit na ito sa dalampasigan ng Pilipinas.
Ayon sa pangulo, ang pinakamalapit na lokasyon kung saan ginagawa ang reclamation ay tinatayang 60 nautical miles mula sa dalampasigan ng bansa. Binanggit pa nito na napakalaki ng ginagawang military base ng China.
Ipinakita ni US Admiral John Aquilino, head ng Indo-Pacific Command, kay Pangulong Marcos Jr. ang modelo ng People’s Liberation Army (PLA) ng China na ginagawa sa West Philippine Sea.
“The nearest reefs that the PLA have starte¬d to show interest in, in terms of slowly, using these atolls, these shoals as a basis for building bases, really, is what they are, are approaching…have come closer and closer to the Philippine coastline. The nearest one is now around 60 nautical miles from the nearest Philippine coastline, and this is an evolving situation,” wika ng pangulo sa kanyang pagsasalita sa Daniel Inouye Asia-Pacific Center for Security Studies sa Honolulu, Hawaii nitong Linggo.
Nanindigan si Pangulong Marcos na hindi isusuko kahit katiting na teritoryo sa WPS at patuloy na ipagtatanggol ng gobyerno ang karapatan alinsunod sa mga umiiral na polisiya at batas.
Binigyang-diin ng Pangulo na malinaw ang batas na nakasaad sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa desisyon ng international arbitral court na pumabor sa Pilipinas.
“As I have said it before, and I will say again, the Philippines will not give up a single square inch of our territory to any foreign power,” anang pangulo.





