
MANILA – Itinulak ng isang mambabatas ang paggamit ng sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa pagtatayo ng mga ospital at health center.
Ginawa ni AnaKalusugan party-list Rep. Ray Reyes ang panukala matapos na aprubahan ng House Committee on Appropriations ang House Bill 9513 upang magamit ng gobyerno ang sobra-sobrang pondo ng mga Government-Owned and Controlled Corporations (GOCC) sa implementasyon ng mga item sa unprogrammed funds ng 2023 General Appropriations Act.
Batay sa guidelines, P200 bilyon ang dapat na reserve na pondo ng PhilHealth subalit sa kasalukuyan ay nasa mahigit P400 bilyon umano ito.
Pinag-aaralan din umano ng AnaKalusugan kung maaaring gamitin ang sobra-sobrang pondo ng PhilHealth sa pagpapasuweldo o benepisyo ng mga medical professional.
Sa ilalim ng HB 9513, papayagan ang gobyerno na gamitin ang sobra-sobrang pondo ng mga GOCC upang mapondohan ang mga proyekto ng gobyerno sa ilalim ng unprogrammed funds.





