DA: Mag-ingat sa mga frozen meat sa wet market

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Pinag-iingat ng Department of Agriculture (DA)  ang publiko laban sa mga ibinebentang mga frozen meat sa mga wet market na posible umanong kontaminado ng mga bacteria.

Payo ng Kagawaran sa mga mamimili, tignan ang tatak ng National Meat Inspection Service (NMIS) upang matiyak ang kaligtasan sa pagkain.

Kasabay nito, binalaan din ni Agriculture Undersecretary Deogracias Victor Savellano ang mga vendor at mga negosyante na nagbebenta ng frozen meat sa mga wet market.

Ayon kay Savellano, dahil sa kawalan ng refrigeration facilities at kakulangan ng kaalaman ng mga vendor sa paghawak ng frozen meat maaaring magkaroon ng kontaminasyon at bacteria ang mga karneng ibebenta na posibleng magdulot ng peligro sa kalusugan ng tao.

Dahil dito, makikipagtulungan na aniya ang DA sa Department of Trade and Industry (DTI) upang maalis sa public wet markets ang mga hazardous frozen products.

Alinsunod sa DA Administrative Order 6-2012, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbenta ng frozen meat sa mga wet market.

Pinapayagan lamang ito sa hotels, restaurants at supermarkets na mayroong refrigeration facilities at handling expertise.

Samantala, sinusuri na rin ng DA ang mataas na presyo ng bentahan ng manok sa merkado sa kabila ng bumababang farmgate prices. (philstar)

LATEST

LATEST

TRENDING