
MANILA — Ang Senate ethics committee ay magsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa umano’y lumabas na impormasyon ng usapan ng mga senador kaugnay sa confidential funds sa kanilang executive session nitong nakaraang araw.
Ayon kay Senador Nancy Binay, chairman ng committee on ethics, ang imbestigasyon ay para makumpleto rin ng komite ang lahat ng may kaugnayan sa conduct, rights, privileges, safety, dignity, integrity at reputation ng Senado at mga miyembro nito base na rin sa Rule X, Section 14.
Sinabi pa ni Binay na base sa Rule XI VII Section 126 ng Rules of the Senate na ang executive session ng Senado ay laging gagawing closed doors at tanging ang Secretary, Sergeant at arms, o iba pang otorisado sa session hall ng Senado.
Nakasaad din na ang Presidente, mga senador, opisyal at miyembro ng Senado ay hindi dapat ibulgar ang anumang pinag-usapan dito.
Ang pahayag ni Binay ay ginawa matapos itanggi ni Senador Jinggoy Estrada ang lumabas na ulat na pangalan ng mga senador na suportado ang pagpapanatili ng confidential funds ng Office of the Vice-President (OVP) at Department of Education (DepEd) na parehong pinamumunuan ni VP Sara Duterte.
Ang paglalabas ng impormasyon mula sa executive session, ayon kay Estrada, ay paglabag sa rules ng Senado.





