
MANILA — Ayon sa survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), bahagyang tumaas ang bilang ng mga Pilipino na walang trabaho nitong nakaraang Setyembre.
Sinabi ni PSA chief Claire Dennis Mapa na tumaas sa 2.26 milyon ang jobless Pinoy edad 15 pataas.
Nasa 2.21 milyon naman ang mga Pilipino na walang hanapbuhay noong nakaraang Agosto.
Batay sa datos, 45 sa 1,000 katao na nasa labor force ang walang trabaho o pinagkakakitaan nitong September 2023, ayon kay Mapa.
Hinihinala na nakadagdag ang masamang panahon noong Setyembre sa mga dahilan kaya dumami ang walang trabaho.
Marami rin anya sa labor force participants ang naghihintay na ipatawag muli sa kanilang pinapasukan o rehiring.
Kaugnay nito, nabawasan naman ang mga may trabaho sa 47.67 milyon nitong Setyembre, kumpara sa 48.07 milyon noong Agosto.
Katumbas ito ng 95.5% employment rate, na bahagyang mababa sa 95.6% noong Agosto.
Sa pagbaba ng labor force participation nitong Setyembre, hinihinala ni Mapa na isa sa mga dahilan nito ang “schooling,” dahil marami umano na nasa working-age population ang bumalik sa pag-aaral.





