
MANILA — Nagpapasalamat si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa mga embahada ng Israel, Jordan at Egypt nitong Miyerkules para sa ligtas na pagdaan ng 40 pang Filipino mula sa Gaza strip sa pamamagitan ng Rafah crossing sa Egypt.
Sinabi ni Pangulong Marcos sa isang maikling video message na ang mga Filipino ay iuuwi sa Pilipinas sa mga susunod na araw.
“Ikinagagalak kong ibalita na 40 sa ating mga kababayan ay ligtas at matagumpay na nakatawid ng Rafah crossing sa Egypt. Sila ngayon ay patungo ng Cairo, kung saan sila magmumula para makauwi nang tuluyan sa ating bansa sa susunod na mga araw,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, ang matagumpay na paglabas ng 40 pang Pilipino ay naging posible sa pamamagitan ng koordinasyon ng DFA sa mga embahada sa Israel, Jordan at Egypt.
“Nagpapasalamat din tayo sa mga pamahalaan ng Israel at Egypt sa kanilang pagbibigay-prayoridad sa ating mga kababayan upang makalabas ng kanilang teritoryo. Kinikilala rin natin ang mediation effort ng Qatar na s’yang naging dahilan para buksan ang mga hangganan ng mga muling bansa,” ayon pa kay Marcos.
Umaasa ang Pangulo na ang natitirang 74 pang Pinoy na naghihintay ng senyales na lumabas sa hangganan ng Rafah ay makatawid kasama ang kanilang mga pamilya habang tiniyak niyang magbibigay ng karagdagang updates hinggil sa nagpapatuloy na sigalot ng Israel-Hamas.





