
MANILA — Sisimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Lunes, Nobyembre 13, ang pagpapairal ng mas mataas na multa para sa mga motoristang lalabag sa mga regulasyong ipinaiiral sa eksklusibong city bus lane/bus carousel lane sa EDSA.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, papatawan nila ng mas malaking multa ang mga motoristang dadaan pa rin sa EDSA Bus Carousel lane kahit pa hindi sila awtorisadong gumamit nito.
Nabatid na sa ilalim ng MMDA Regulation No. 23-002, na inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC), ang naturang tinaasang multa ay aplikable sa mga drivers ng mga pribado at pampublikong behikulo na lalabag sa regulasyon.
Anang MMDA, para sa unang paglabag, ang mga motorista ay papatawan ng P5,000 multa habang P10,000 multa naman na may isang buwang suspensiyon ng driver’s license at pagsailalim sa road safety seminar, ang ipapataw para sa ikalawang paglabag.
Para naman sa ikatlong paglabag, ang motorista ay papatawan ng P20,000 multa at isang taong suspensiyon ng driver’s license habang P30,000 na may kasamang rekomendasyon sa Land Transportation Office (LTO) ng rebokasyon o pagbawi sa driver’s license, ang ipapataw sa mga lalabag sa ikaapat na pagkakataon.
Samantala, kinumpirma naman ni Artes na may natatanggap silang mga ulat na may ilang EDSA bus lane violators na lumalabag sa regulasyon, ang umiiwas sa pag-aresto sa pamamagitan nang pagpapaharurot ng kanilang mga sasakyan, kung pinapara na ng mga traffic enforcers.
Ayon kay Artes, ang mga naturang violators ay irereport nila sa LTO at papatawan ng penalty ang mga may-ari ng mga naturang sasakyan. (philstar)





