
Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS), umakyat sa 13.2 milyon ang bilang ng mga Pilipino na nagsasabing mahirap sila noong Setyembre, mula sa 12.5 milyon noong Hunyo.
Sa non-commissioned SWS survey na isinagawa mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 1, lumabas din na 27% ng mga Pinoy ang nagsabing nasa “borderline” sila, habang 25% naman ang nagsabing hindi sila mahirap.
Lahat ng lugar sa Pilipinas ay dumami ang mahihirap pero pinakamataas sa Mindanao na may 71% mula sa dating 54%. Ang self-rated poor na pamilya sa Balance Luzon ay umakyat sa 39% mula sa 35%, habang sa Metro Manila ay tumaas ito sa 38% mula sa 35%.
Ang mga pamilyang nagsasabing mahirap sila ay tumaas din sa Visayas, mula sa 57% ay naging 59%.
Sa 13.2 milyong pamilya na nagsabi na sila ay mahirap, 1.8 milyon dito ay “newly poor”, 1.7 milyon naman ang “usually poor” at 9.7 milyon ang “always poor”.
Sa depinisyon ng SWS, ang mga newly poor ay yung hindi pa mahirap isa o apat na taon lang ang nakaraan, habang ang usually poor ay limang taon o higit pang mahirap. Ang always poor naman ay yaong hindi nakaranas na maging non-poor.





