Senado pabor sa P300M ng DICT! ‘Pinas delikado sa mga cyber criminal

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Nanganganib ang Pilipinas mula sa mga cyberattack dahil hindi pa lubusang protektado ang mga ahensiya ng gobyerno na siyang nagtatago sa personal information ng mga Pinoy.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, hindi malayong mabiktima ang mga power firm, bangko, iba pang mahahalagang pasilidad kasama na ang mga ahensiya ng gobyerno kapag walang ginawang hakbang ang pamahalaan para labanan ang cyberattack.

“Unang-una, ang dapat malaman ng ating mga kababayan itong cyberthreat ay totoo hindi ito nakikita natin sa palabas lang o sa telebisyon lang. Ito ay nangyayari na sa atin. Kapag lumala ito, tingin ko nga ito ay hindi pa malala pero kapag lumala ito, delikado tayong lahat dahil ang ating mga personal information, ‘yong ating mga binibigay sa gobyerno eh nali-leak at pumupunta sa mga taong hindi maayos,” babala ng senador sa isang radio interview.

“Kaya ang pag-aanalisa ko dito, itong mga nangyayari dito talagang katunayan na hindi tayo handa kulang tayo sa kapabilidad, kulang tayo rin sa mga taong kayang labanan ito. At tingin ko lalala at lalala pa ito sa mga susunod na panahon,” dagdag ni Gatchalian.

Humiling na ang Department of Information and Communications Techno­logy (DICT) ng P300 milyong confidential fund sa 2024 budget para malabanan ang mga cyberattack pero kinatay ito ng Kamara de Representantes.

Nakipagpulong na ang mga senador sa mga opisyal ng DICT kung saan nagpaliwanag sila kung bakit kailangan ang P300 milyong confidential fund.

Ayon kay Gatchalian, pabor siya na huwag ipakita sa publiko ang mga gagastusin ng DICT upang hindi ito matunugan ng mga hacker.

“Kung merong national security implication, kung talagang mapapatunayan na ito ay makakaapekto sa seguridad natin, bigyan natin ng exemption (sa procurement rules)” paliwanag ng senador.

Matatandaan na inatake na ng mga hacker ang system ng Philippine Health Insurance Corporation, Philippine Statistics Authority, House of Representatives at iba pa. (Abante)

LATEST

LATEST

TRENDING