
MANILA — Pansamantala munang sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang implementasyon ng Maharlika Investment Fund.
Nakasaad sa inilabas na memorandum ng Office of the Executive Secretary, nais ng Pangulo na magkaroon muna ng mas mahaba at malalim na pag-aaral sa naturang batas.
Bukod dito, nais din ng Pangulo na malinaw na mailatag muna ang mga safeguards para maging bukas ito o transparent at magkaroon ng pananagutan o accountability.
Matatandaan na nasa P50 bilyon ang inilagak ng Land Bank sa Maharlika habang P25 bilyon naman ang inilagak ng DBP.
PInuri naman ni Senate Minority leader Koko PImentel ang pagsuspinde sa pagpapatupad ng MIF law dahil nagpapakita lang umano ito na nakikinig sa katwiran ang administrasyong Marcos.
Iginiit pa ni Pimentel na sa simula ay marami nang depekto ito at hindi naman napag-aralang maigi ang konteksto nito kaya hindi handa ang batas para sa implementasyon.
Isa si Pimentel sa nagpetisyon sa Korte Suprema na unconstitutional ang MIF law, kasama rin si Sen. Risa Hontiveros at mismong kapatid ng Pangulo na si Sen. Imee Marcos na tumutol dito noong isinulong sa Senado. (philstar)





