P427 bilyong investments nakopo sa foreign trips ni Pangulong Marcos

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Nagbunga ng P427 bilyong investment ang mga biyahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa iba’t ibang bansa.

Ito ang binigay na update ng Department of Trade and Industry (DTI) kay Pangulong Marcos sa sectoral meeting sa Malakanyang.

“Natutuwa tayo at binanggit sa ating mahal na Pangulo na from January to September of this year, ang investment approvals po ng BOI ay umaabot na sa P734 billion. Kung ikukumpara po ito noong January to September of 2022, umabot lang po tayo noon ng P362 billion or an increase of 102 percent,” pahayag ni Undersecretary Ceferino Rodolfo, head ng Board of Investments ng DTI.

Hindi pa anya kasama rito ang humigit-kumulang P131 bilyong pamumuhunan na inaprubahan ng Philippine Economic Zone Autho­rity (PEZA) mula Enero hanggang Oktubre 2023.

Karamihan sa mga pamumuhunan ng PEZA ay maaari ring ituring na direktang resulta ng mga pagbisita sa ibang bansa ng Pangulo dahil marami sa mga ito ay nagmula sa Japan, China at Estados Unidos, na binisita ng Pangulo noong 2022 at unang bahagi ng taong ito.

Karamihan umano sa investment pledges na nakuha ng Pangulo sa foreign trips ay may kinalaman sa renewable energy at malaking parte ay galing ng Europa.

Sinabi ni Rodolfo, na nagbigay-alam sa Pangulo tungkol sa kamakailang mga pamumuhunan, na humigit-kumulang 80% ng kabuuang foreign direct investment (FDI) registration ay dumaraan sa BOI.

Iniulat din ni Rodolfo sa Pangulo na mula Enero hanggang Setyembre 2023, umabot sa P734 bilyon ang investment approvals ng BOI, kumpara sa P362 bilyon noong Enero hanggang Setyembre 2022, o pagtaas ng 102 porsiyento.

Ang kabuuang ina­prubahang foreign investment registration ng BOI na P427 bilyon ay kumakatawan sa 150 porsiyentong pagtaas kumpara sa rekord noong nakaraang taon.

Ayon kay Rodolfo, ang mga lokal na reporma at paghahanda na ginawa ng gobyerno bago ang mga pagbisita ay mahalaga rin sa mga pamumuhunan.

“Napakalaking bagay noon kasi makikita ninyo ngayon ang resulta noong mga pumapasok sa atin, marami doon sa binanggit kong P427 billion worth of foreign projects are actually in the renewable energy sector; tapos marami doon nanggagaling sa Europe,” dagdag niya.

Bukod anya sa tumaas na mga dayuhang pamumuhunan at pagpaparehistro, napansin ng mga hindi namumuhunang bansa ang Pilipinas at sinimulang isaalang-alang ang paglalagay ng kanilang pera sa bansa. (philstar)

LATEST

LATEST

TRENDING