
MANILA — Ibinunyag ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya na nagtangkang magsagawa ng terorismo sa bansa ang grupong Hamas noong 2018.
Ayon kay Malaya, nagplano ang Hamas na bumuo ng grupo sa bansa katuwang ang ibang local terror group upang makapaghasik ng takot at karahasan.
Sa katunayan, taong 2018 nang maaresto ng Philippine National Police (PNP) ang Iraqi national na si Taha Mohammed Ahmed al-Jabouri, 64, sa Pampanga na nagsisilbing chemist at may sapat na kaalaman sa paggawa ng bomba at pinaniniwalaang miyembro ng Hamas. Agad din itong idineport sa Turkey.
Napag-alaman pa kay Malaya na noong nakaraang taon, may mga opisyal at operatiba na kumakausap sa local extremist groups para makapagsagawa ng kanilang operasyon sa Pilipinas at makapag-recruit ng Filipino fighters na papatay sa mga “Jews” na naninirahan sa bansa.
Tinangka rin umano ng Hamas na palawakin ang kanilang pagkilos sa Pilipinas gamit ang social media at pagsasagawa ng rally sa mga embahada upang magkagulo.
Subalit ang mga plano ng Hamas ay napigilan dahil na rin sa mahigpit na seguridad ng bansa. (philstar)





