
MANILA — Nanawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang grupong Magdalo na payagang makapasok sa bansa ang mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) para mapanagot si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa libong taong napatay sa kanyang anti-drug war campaign.
Ayon kay dating Senador Antonio Trillanes at national chairman ng Magdalo, ang kanilang panawagan ay kasunod ng pag-amin sa publiko ni Duterte na ginamit niya ang confidential/intelligence funds para magsagawa ng extra-judicial killing sa kanyang constituents sa Davao City noong siya ay mayor pa.
Paliwanag pa ni Trillanes, bilang orihinal na naghain ng ICC case noong 2017, ay nasaksihan nila at nadokumento ang “barbaric actions” ng nakaraang administrasyon gayundin ang trauma at hirap na dinanas ng libo-libong biktima at kanilang mga pamilya.
Giit pa ng grupo na matagal nang naantala ang hustisya sa mga biktima ng drug war ng Duterte administration.
Matatandaan na sinabi noon ni Marcos na hindi sila makikipagtulungan sa ICC sa kanilang pagsisiyasat sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.
Wala rin umanong hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas na kumalas na dito noong Marso 2019. (philstar)





