
MANILA — Tatalakayin ang hindi pa nabayarang sweldo ng 10,000 OFWs sa nakatakdang bilateral meeting ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Saudi Arabia sa kanyang pagdalo sa Association of Southeast Asian Nations-Gulf Cooperation Council na gaganapin sa Riyadh sa Oktubre 19-20, 2023.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Daniel Espiritu na kasama sa agenda ni Marcos ang hindi pa nababayarang sahod ng mga OFWs matapos magsara ang kanilang kumpanya at magdeklara ng bankruptcy noong 2015-2016.
Nabatid na taong 2010 pa hindi nabayaran ng mga employer ang backpay ng mga OFW.
Nauna na rin nangako ang Kingdom of Saudi Arabia noong Nobyembre 2022 na maglalaan ng 2 bilyon riyals para sa mga hindi nabayarang sahod ng tinatayang 10,000 OFWs na empleyado sa isang construction firm.
Kabilang umano sa kumpanya na sangkot dito ang Saudi Oger, MMG at ang Bin Laden Group.
Ayon pa kay Espiritu, maari ring kasama sa agenda ng Pangulo ang kaso ng OFW na si Marjorette Garcia na natagpuang patay matapos saksakin ng dayuhang kasamahan sa trabaho.
Bukod dito tatalakayin din umano ang energy at food security, dahil isa ang Saudi Arabia sa mga pinagkukunan ng Pilipinas ng produktong petrolyo. (philstar)





