
MANILA — Pinerwisyo rin ng mga hacker ang official website ng House of Representatives kahapon.
Ito ang kinumpirma ng Office of the House Secretary General sa pinakabagong insidente sa cybersecurity.
Ayon kay Secretary General Reginald Velasco, nakikipag-ugnayan na ang Kamara sa Department of Information, Communication and Technology (DICT) para maisaayos ang sistema at imbestigahan ito.
Nabatid na may lumabas na mensaheng “Na-hack ka” sa kaliwang bahagi ng landing page ng Kamara, www.congress.gov.ph, bago magtanghali, kasama ang troll face comic meme at dakong alas-12:55 ng tanghali nang hindi na ma-acces ang website ng Kamara.
Inako naman ng “3Musketeerz” ang pag-hack sa website.
Lumitaw din ang mensahe na, “Happy April fullz kahit October palang! Fix you website hacked by—3Musketeerz.”
Payo naman ni Velasco sa publiko na mag-ingat sa matatanggap na mensahe o email na nagsasabing mula ito sa House of Representatives.
Matatandang na-hack din ang Department of Science and Technology (DOST), Philippine Statistics Authority (PSA) at Philippine Health Insurance Corp.
Ayon naman kay ScamWatch Pilipinas lead convener Art Samaniego Jr., nais ipakita ng mga hacker na kaya nilang magsagawa ng cyber attacks o tinatawag na “hacktivism”.
Ani Samaniego, kailangan na palakasin pa ng pamahalaan ang cybersecurity posture sa pamamagitan ng pag-a update ng software system at pagkakaroon ng sapat na kaalaman ng mga gumagamit.
“Kahit gaano katatag ‘yung cybersecurity posture mo, ‘pag ‘yung user mo nagki-click pa rin ng link, nagpupunta pa rin sa porn sites, nagdo-download pa rin ng pirated software saka pirated videos, maha-hack at maha-hack ka pa rin,” ani Samaniego.
Samantala sinabi naman ni DICT Secretary Ivan John Uy na ito ang dahilan kung kaya inaapela nila ang pagtatanggal ng confidential funds para sa susunod na taon.
Paliwanag ni Uy gagamitin ang pondo sa pagpapabuti at pagpapalakas ng cybersecurity defense ng bansa. (philstar)





