
MANILA, Philippines — Hindi agad maipoproklama ang mga mananalong kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na may ‘disqualification case’ na hindi agad mareresolba.
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na payag silang isuspinde ang proklamasyon ng nanalong kandidato kapag may merito ang kaso, may ebidensya laban sa isang kandidato at kung hindi pa mareresolba ang kaso bago mag-eleksyon.
Inihayag ni Garcia ang desisyon ng Comelec en banc sa sidelines ng memorandum of agreement signing kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kahapon.
Sinabi ni Garcia na walang dapat ipag-alala ang mga barangay kung ang kanilang nanalong kandidato sa kanilang lokalidad ay hindi agad naiproklama dahil sa pending disqualification case.
“May kagawad naman na number one, under local government code, siya muna ang magsa-succeed, hanggat hindi nare-resolve iyong kaso na nasa komisyon”, sabi ni Garcia.
Sa kasunduang pinirmahan ng DILG at Comelec, titiyakin ng una na lahat ng lokal na pamahalaan ay susunod sa mga alintuntunin na itinakda sa BSKE, partikular ang pag-iwas sa pagsuporta ng mga nakaupong opisyal ng lokal na pamahalaan sa mga kandidato.
Sa kasalukuyan, nasa 60 reklamo ng vote buying na ang naisumite sa Comelec at isinasailalim na sa berepikasyon. (philstar)





