
MANILA — Nagpaabot ng simpatiya at pakikidalamhati si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Israel para sa pamilya na nawalan ng kanilang mahal sa buhay sa nangyayaring pag-atake sa Israel ng teroristang grupong Hamas.
Kasabay nito, sinabi ni Marcos na kinondena ng Pilipinas ang naturang pag-atake lalo na sa civilian populations.
“The Philippines condemns the attacks, especially against civilian populations,” ayon pa sa inilabas na pahayag ng Malakanyang.
Naiintindihan naman umano ng bansa ang karapatan ng isang bansa para protektahan ang kanilang kalayaan laban sa anumang pag-atake o pananakop na nakasaad din sa United Nations Charter.
Kasabay nito, kinondena rin ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang naturang pag-atake sa Israel at ang pagho-hostage sa mga sibilyan.
Nanawagan naman si Zubiri sa mga kaukulang ahensiya ng gobyerno na gawin ang lahat at bigyang tulong ang libo-libong Filipino sa Israel gamit ang pondo ng bansa para sa nasabing layunin. (philstar)





