Pagpasok sa Pinas ng bilyong pisong droga, iimbestigahan ng Kongreso

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Magsasagawa ng malalimang imbesti­gasyon ngayong araw, Oktubre 9, ang House Committee on Dangerous Drugs hinggil sa sunud-sunod na pagpasok ng bilyon-bilyong halaga ng droga sa bansa nitong mga nagdaang araw at linggo.

Nito lang Oktubre 4, naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) ang 323 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P2.2 bilyon na nakasilid sa isang shipment ng beef jerky galing Mexico.

Inatasan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez si Cong. Robert Ace Barbers, Chairman ng Dangerous Drugs, na alamin kung bakit sunud-sunod ang pagpasok ng droga sa bansa at kung sino ang mga nasa likod nito.

Ayon kay Romualdez, “of course, we are grateful to our authorities na alisto sila at naharang itong droga bago pa kumalat sa labas”.

“Pero we want to find out sino ang nasa likod nitong bilyon-bilyong shipments ng droga sa bansa at hanapin ang kanilang mga protector,” dagdag pa ng Speaker of the House.

Aniya, “ang utos kasi ng pangulo walang sa­santuhin kahit opisyal ng gobyerno ang involved o ang protektor. Pero ang mahalaga hangga’t maaari iwasan ang mga patayan”.

Noong nakaraang buwan lang 538 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon ang nasabat sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga.

Bago niyan, 200 kilo ng shabu na P1.2 bilyon ang halaga ang nadiskubre sa loob ng abandonadong kotse sa Mabalacat, Pampanga.

Humingi tuloy ng agarang imbestigasyon si House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. na taga-Pampanga.

Aniya, “kailangan ma­tuldukan ito agad baka kasi isipin kami dito sa Pampanga ang bagsakan ng droga sa bansa”.

Ayon kay Romualdez “the war on drugs of the Marcos Administration is centered on confiscation and seizure of drugs bago pa pa ito maibenta sa mga tao at hulihin ang mga big fish”. (philstar)

LATEST

LATEST

TRENDING