
MANILA — Inihayag ng National Task Force/West Philippine Sea (NTF-WPS) na tagumpay muli ang isinagawang Rotation and Resupply Mission (RoRe) sa Ayungin Shoal nitong Miyerkules.
Ayon sa NTF-WPS, naisakatuparan ang bagong re-supply mission dahil na rin sa dedikasyon, determinasyon, at propesyonalismo ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) na nagtulungan para maisakatuparan ang misyon.
Nabatid na naihatid ng Philippine supply ships lna ineskortan ng PCG vessel BRP Cabra at BRP Sindangan ang mga suplay sa tropang naka-istasyon sa BRP Sierra Madre.
Naisagawa ang misyon sa kabila ng pagtatangka ng malaking bilang ng barko ng Chinese Coast Guard (CCG) at Chinese Maritime Militia (CMM) na harangan, i-harass, at hadlangan ang regular na resupply mission.
Binigyang-diin ng NTF-WPS na ang regular na resupply at maintenance mission sa BRP Sierra Madre ay bahagi ng normal na operasyon para masiguro ang kaligtasan ng mga tauhang naka-istasyon sa naturang barko.
Dagdag ng NTF-WPS na ito ay lehitimong ehersisyo ng “administrative functions” ng pamahalaan sa West Philippine Sea, na itinatakda ng United Nations. (philstar)





