PhilHealth: Membership database ‘di napasok ng ’Medusa’ cyber attack

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Tiniyak kahapon ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ang kanilang membership database ay hindi naapektuhan ng naganap na Medusa ransomware attack, na naging sanhi upang mapilitan ang ahensiya na i-shutdown muna ang kanilang online systems.

Sinabi ni PhilHealth president at CEO Emmanuel Ledesma Jr. na hindi nagalaw ng hackers ang kanilang membership data, na siya aniyang pinakamahalaga sa lahat.

Ayon naman kay PhilHealth executive vice president at COO Eli Santos, hindi rin naapektuhan ng naturang cyber attack ang mga kontribusyon at claims ng kanilang mga miyembro at ang tanging nakompromiso lamang ay ang mga workstations ng kanilang mga empleyado sa Pasig City.

Siniguro naman ni PhilHealth IT Department Senior Manager Nelson De Vera na kasalukuyan na nilang inaayos muli ang mga naapektuhan ng pag-atake, na karamihan ay mga application servers.

Matatandaang kaagad na isinara ng ahensiya ang kanilang sistema matapos na matukoy ang ransomware attack noong Setyembre 22.

Anang PhilHealth, kabuuang 72 workstations ang nakompromiso kaya’t napilitan silang i-shutdown ang sistema.

Napaulat na nanghihingi ang mga hackers ng $300,000 o P17 milyong ransom at nagbanta na kung hindi magbabayad ay ilalabas nila ang mga ninakaw na datos mula sa database.

Sa kabila nito, nanindigan ang PhilHealth na hindi sila magbabayad ng ransom.

Setyembre 29 nang tuluyang maibalik at maging accessible muli sa publiko ang corporate website ng PhilHealth, gayundin ang member portal, at e-claims nito. (philstar)

LATEST

LATEST

TRENDING