
Aalisan ng Kamara de Representantes ng confidential at intelligence fund (CIF) ang mga departamento at ahensiya ng gobyerno na ang mandato ay walang kinalaman sa pagtiyak ng kaligtasan at seguridad ng bansa.
Ito ang napagkasunduan ng mga lider ng iba’t ibang partido politikal na bumubuo sa liderato ng Kamara.
Ang aalising CIF ay idaragdag sa mga ahensiya na may kinalaman sa pagtugon sa tensyon sa West Philippine Sea gaya ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Council (NSC), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Naglabas din ng joint statement ang mga partido politikal sa Kamara na pirmado nina Rizal Rep. Michael John Duavit, pangulo ng Nationalist People’s Coalition; Agusan del Norte Rep. Jose Aquino II, secretary general ng Lakas-Christian Muslim Democrats; Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona ng Nacionalista Party; Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, vice president for Mindanao ng PDP-Laban; Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte pangulo ng National Unity Party; at BHW party-list Rep. Angelica Natasha Co na siyang kumatawan sa Party-list Coalition Foundation Inc.
Ang paglilipat ng CIF ay pagpapakita rin umano ng kahalagahan na matiyak na nakalinya sa mga prayoridad at pangangailangan ng bansa ang paggamitan ng pondo ng gobyerno. (Abante)