MANILA — Tablado kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mungkahi na pansamantalang bawasan ang buwis sa inaangkat o imported na bigas.
Ito ang naging desisyon ni Marcos sa sectoral meeting sa Malakanyang kung saan iprinisinta ng National Economic Development Authority (NEDA) ang mungkahing rice tariff reduction.
Sinabi ni Marcos na napagdesisyon nila ng Department of Agriculture (DA) at economic managers na hindi napapanahong bawasan ang buwis dahil ang projection sa pandaigdigang presyo ng bigas ay pababa.
Idinagdag pa ng Pangulo na ang taripa ay ibinababa lang kapag pataas ang presyo ng produkto.
Matatandaan na inirekomenda ng NEDA ang pagbabawas sa taripa sa imported na bigas para mapababa ang presyo sa mga pamilihan.
Subalit mariin itong tinutulan ng ilang grupo ng mga magsasaka dahil pakikinabangan lang umano ng importers habang lalong babagsak ang presyo ng palay. (philstar)