
MANILA – Naalarma umano ang Amerika, South Korea at Japan sa military cooperation ngayon ng Russia at North Korea.
Sa isang pahayag, kapwa kinondena nina US Secretary of State Antony Blinken, South Korea Foreign Minister Park Jin at Japan Foreign Minister Yoko Kamikawa ang umiigting na kampihan ng Russia at North Korea na posible pang pinalalakas ng palitan ng armas ng mga ito.
Sinabi ng tatlong opisyal na nagdudulot ng banta sa regional security ang ginagawa ng NoKor at Russia na anila ay paglabag sa UN Security Council resolution.
Matatandaan na una rito ay binisita ni North Korean leader Kim Jong Un si Russian President Vladimir Putin upang makipagtalakayan sa military cooperation ng kanilang mga bansa. (Abante)





