
MANILA — Hinikayat ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang mga kasamahan sa Senado na madaliin ang pagpasa ng panukalang nagmamandato sa private Higher Education Institutions (HEIs) na alisin ang entrance examination fees at iba pang mga bayarin para sa mga kwalipikadong estudyante na nag a-apply para makapasok sa kolehiyo.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2442 o ang Free College Entrance Act, mabibigyan ng oportunidad ang mga batang Filipino na makakuha ng college degree at pagkakataon na magkaroon ng magandang kinabukasan.
Ito ay dahil nakasaad sa panukala na ang HEIs ay obligadong i-waive ang kanilang college entrance examination fees sa mga graduating high school student na natural born citizen.
Gayundin ang mga kabilang sa top 10% ng graduating class; at kasama sa mga pamilyang pinagsamang kita na mababa sa poverty threshold na tinutukoy ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Sa ilalim ng panukala, kuwalipikado rin sa libreng entrance exam ang mga estudyante na kabilang sa pamilyang hindi kayang ibigay ang minimum basic needs tulad ng pagkain, kalusugan, edukasyon, pabahay at iba pang panangailangan na sertipikado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Inaatasan din ng SB 2441 ang Commission on Higher Education na idetermina ang kaukulang parusa laban sa mga pribadong HEIs na hindi susunod sa nasabing kautusan. (philstar)





