PNP, GCash sa publiko: Mag-ingat sa ‘spoofing scam’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Binalaan ng Philippine National Police Anti-CyberCrime Group (PNP-ACG) at GCash ang publiko hinggil sa bagong kumakalat na text scam ngayon na tinatawag na “spoofing scam”.

Ang “spoofing scam” ay isang klase ng scam kung saan gumagamit ng ilegal na software ang mga cybercriminal upang magpadala ng mga scam text message na mukhang galing sa mga lehitimong numero ng mga bangko, e-commerce sites, mga malalaking kompanya, at e-wallets tulad ng GCash.

Dahil mukhang lehitimo ang mga ito, mas malaki ang tiyansang makapanloko ng mga tao nang hindi nila namamalayang na-leak ang kanilang mga personal at sensitibong impormasyon.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng GCash ang kanilang mga kostumer na maging mapagmatyag sa mga ganitong modus. Para sa mga GCash user, hindi na nagpapadala sa text message ang GCash ng Send Money Confirmation. Makikita na nila ito sa inbox ng kanilang GCash app.

Para naman sa mga makatatanggap ng mga mensahe mula sa mga hindi kilalang numero na nagsasabing nagkamali ng padala sa kanilang numero at nakikiusap na ibalik ang kanilang pera sa GCash, pinaaalahanan ng GCash na i-check muna ang kanilang account kung totoong may pumasok na pera sa kanilang account upang maiwasang manakawan.

Patuloy na nakikipagtulungan ang GCash sa mga awtoridad upang matunton at mahuli ang mga manlolokong ito. Para sa mga user na na-scam, maaaring kumontak sa GCash customer hotline bilang 2882 o magpadala ng tiket sa GCash Help Center sa help.gcash.com o i-message si Gigi sa website at i-type ang “I want to report a scam.”

Alamin ang iba pang mga dapat gawin para maprotektahan ang sarili laban sa mga scammer at huwag mahiya o matakot i-report sa PNP Anti-Cybercrime Group kung kayo ay may impormasyon para matunton ang mga scammer sa kanilang hotline (02) 8414-1560, 09985988116 o mag-email sa acg@pnp.gov.ph. (Abante)

LATEST

LATEST

TRENDING