
MANILA — Nagbabala kahapon ang mga lider ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na magpapatupad ng tatlong araw na tigil-pasada kung magtutuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ayon kay Cirilo Latoreno, pinuno ng PISTON-Baclaran, mapipilitan silang magpatupad muli ng tigil-pasada kung hindi aaksiyon ang pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Aniya, P500 kada araw ang nawawala sa kita ng mga jeepney drivers o katumbas ng P12,500 kada buwan dahil sa mataas na presyo ng langis.
Maiuuwi na sana aniya nila sa kanilang pamilya ang naturang halaga upang ipambili ng pang-araw-araw na pangangailangan nila ngunit napupunta ito sa krudo.
Samantala, sa panayam sa radyo, kinumpirma naman ni Mody Floranda, national president ng PISTON, na hindi malayong mauwi sa tigil-pasada ang walang humpay na pagtaas ng mga produkto ng petrolyo.
Gayunman, wala pa aniyang petsa kung kailan nila ito isasagawa dahil pinag-aaralan pa nila ito sa ngayon.
Una nang sinabi ng Department of Energy (DOE) na posibleng magtagal pa ng hanggang Disyembre ang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa. (philstar)