
MANILA — Pumapangalawa na ang Pilipinas sa buong mundo sa may pinakamataas na kaso ng online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).
Sa budget hearing sa Senado, sinabi ni Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) Deputy Executive Director Asec. Mary Rose Magsaysay, pangalawa ang Pilipinas pagdating sa mataas na kaso ng OSAEC sunod sa India na nangunguna rito.
Dahil ikalawa ang bansa sa buong mundo na talamak ang online na sekswal na pang-aabuso sa mga kabataan, nangangahulugan na tinitingnan tayo ng ibang mga bansa na ‘unethical’ pagdating sa paggamit ng internet.
Ikinagulat naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na number 2 tayo sa OSAEC sa kabila ng pagiging isang developing nation ng Pilipinas at hindi hamak na marami pang mas mahihirap na bansa kumpara sa atin.
Inamin naman ni DICT Secretary Ivan John Uy na isa sa mga rason ang kahirapan sa bansa at kakulangan ng kagamitan para mapaigting ang ating cybersecurity at matukoy ang mga online predators.
Dagdag pa ni Magsaysay, tinukoy ng United Nations ang Pilipinas bilang ‘hotbed’ o pugad ng online scamming na aniya’y nagtatago sa mga POGOs. (philstar)





