
MANILA — Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tapusin bukas, araw ng Huwebes ang pamamahagi ng livelihood assistance sa mga apektadong rice farmers.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ito ay dahil ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na madaliin ang payout at dahil na rin sa election ban kung saan pinagbabawal ang paggastos.
Nilinaw naman ni Gatchalian na nag-apply sila ng exemption sa Commission on Election (Comelec) tungkol sa naturang ban.
Target nilang tapusin ang pamamahagi sa lahat ng highly urbanized cities at regions bago maipatupad ang deadline at muli na lamang mamamahagi sa mga lugar kung saan hindi nakuha ng mga benepisyaryo ang kanilang tulong.
Sa Biyernes, Setyembre 15 ay ititigil na umano nila ang payout kaya dapat matapos na agad ito sa Setyembre 14.
Sa pinakahuling tala nitong Setyembre 11, nakapamahagi na ang DSWD ng P7.5 milyong halaga ng assistance o kabuuang 502 beneficiaries mula sa San Juan City, Caloocan City, Quezon City, Parañaque City, Navotas City at Zamboanga del Sur. (philstar)





