
MANILA — Ipamamahagi na ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fuel subsidy para sa mga pampublikong sasakyan bilang tulong sa mga ito sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa ilalim ng Fuel Subsidy Program (FSP), mabibigyan ng subsidiya ang mga operator ng public utility jeeps (PUJs), Filcabs, UV Express (UVEs), minibuses, public utility buses (PUBs), Shuttle services, Taxis, Tourist Transport Services, School Transport Service, Transportation Network Vehicle Services (TNVS), Delivery Services, at Tricycle.
Makatatanggap ng P10,000 ang bawat operator ng modern PUJs at UVEs habang P6,500 sa iba pang nabanggit na pampublikong sasakyan, modern man ito o hindi.
Bibigyan naman ng P1,200 ang bawat delivery service rider na qualified sa programa habang P1,000 sa mga tsuper ng tricycle.
Sinabi ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III na lahat ng uri ng PUVs ay tatanggap ng subsidiya.
“Ang halaga po kasi na inilaan sa bawat benepisyaryo ng subsidiya ay nakadepende kung gaano karami ang produktong petrolyo na kinokonsumo ng kanilang pampublikong sasakyan,” paliwanag ni Guadiz.
Sa taya ng DOTr at LTFRB, nasa 1.36 milyong operators ang makatatanggap ng subsidiya. Sa nasabing bilang, 280,000 unit ng PUVs ang makikinabang sa programa. Habang 930,000 ang tricycle at 150,000 delivery service.
Ipamamahagi ang ayuda sa pamamagitan ng digital banking tulad ng e-wallet accounts, bank accounts, at fuel subsidy card na dati nang nakarehistro sa mga benepisyaryo ng FSP.
Kinakailangan lamang na mayroong bisa ang prangkisa ng pampublikong sasakyan o nakarehistro ito sa LTFRB upang maging qualified s subsidy. (philstar)





